Madalas itong nangyayari nung kabataan pa natin at ito ay sa ating mga kaeskwela.
Yung mga batang nambubully ay maaaring salat sa pansin ng kaniyang pamilya kaya marahil ay ginagawa nya na lamang ito para mapansin ng iba o kaya ay masabing siya ay superior sa eskwelahan.
Mayroon akong napulot sa baul na kwento ng isang tao na binully, medyo nakakalungkot ang kwento kaya sana wag kayong iiyak ha? hehehe
Ok.. let us the story begin...
---------------------
Dear diary,
Alam mo ba nabully na naman ako ng kaklase ko kasi humingi siya ng pagkain ko, binigyan ko naman siya pero kinuha niya lahat... Tapos tinira nya sa akin yung lagayan at sinabi niya sa kin na ako ang dapat magtapon nun.
Tapos nung inutusan siya ni titser na kunin yung mga test paper sa faculty office, inutusan niya rin ako at sinabing, kung di ko sya susundin, uupakan niya ko sa labasan ng mga tropa niya... kaya yun, sumunod ako pero sabi niya bago ako umalis, dapat daw dalian ko kasi pagagalitan ako ni titser pag di ko ito nakuha agad. Sa isip ko, di naman ako ang inutusan ni maam para kumuha eh bakit ako ang pagagalitan?
Nakuha ko naman ng maayos yung mga papel at nung ibibigay ko na ito kay titser , humarang siya at kinuha yung mga dala ko sabay batok sa kin at sinabi, ang bagal mo naman!
Habang naglalaro kami sa paaralan ng basketball, bigla siyang dumating at sinipa ako sa likod, hindi ko siya napansin na hinihingi pala niya yung bola (hindi ba pwedeng magsabi siya ng maayos kesa manakit?)
Masakit yung pagtama ng paa niya sa likod ko, pero di ko pinahalata. Binigay ko sa kaniya yung bola at pagkaabot ko, sabay niyang ibinato ito sa mukha ko kaya natumba ako sa lupa at narinig kong tinawanan ako habang sinasabi niya na, “Ang bagal mo naman pala sumalo.”
Nung isang araw naman, hindi ko na nga isinulat sa iyo Diary yung nangyari kasi nakalimutan ko na... pero ngayon naalala ko na inutusan niya yung isang kaklase ko na hingan ako ng pera. May bente pesos akong baon na ibinigay ni nanay para ibili ko ng merienda pag recess, sinabi ng kaklase ko sa akin na bigyan ko siya ng pera kasi kung hindi, siya ang malilintikan at pagiinitan (pambihira, parang kasalanan ko pa ngayon kung bakit siya babanatan kapag di ko siya binigyan ng pera). Iyun, naawa naman ako sa kaklase kong duwag at binigay ko yung bente kong baon at magtitiis na lang na walang makain sa recess.
Maya maya, bumalik yung kaklase ko at sinabi sa akin na, “wala ka na bang pera dyan? Kasi sabi ni B***S*it kulang daw yung pera na binigay mo.” Sabi ko sa kaniya, wala na kong ibang pera kundi yun lang. Sagot niya naman sa akin, na humingi na lang daw ako sa ibang kaklase namin, para di kami upakan mamyang uwian. (Grabe... pati ako gustong gawing mam-bubully ng taong ito.) Kaya ginawa ko, hiningan ko yung isang kaklase ko na babae na may crush sa akin, at sinabi ko na kung pwedeng pautang muna at bukas ko na lang babayaran, pumayag naman siya at pinahiram ako ng singkwenta pesos.
Akala ko titigil na sila nung magawa ko yung bagay na pinagawa nila sa akin nung isang araw, pero kanina lang humingi na naman siya ng pera (pambihira, hindi ko pa nga nababayaran yung inutang ko sa kaklase ko, ngayon, humihingi na naman sila?), binigay ko yung baon ko na bente pesos pero sabi niya “kulang yan, hindi yan pwede ipang-taya sa cara-cruz” pero kinuha nya pa rin yung bente. “humingi ka ulit ng pera sa ibang kaklase natin!” sa isip-isip ko, kanino pa kaya ako hihiram ng pera?
Wala akong magawa kasi natatakot naman akong upakan ng mga ito mamyang uwian, kaya humiram na lang ulit ako ng pera dun sa kaklase kong may crush sa akin. Isang daang piso na buo yung pera niya, sabi ko, ipapapalit ko na lang at yung kalahati na lang yung hihiramin ko ulit, sabi niya, wag na... Hiramin mo na yan, hindi ko pa naman kailangan, sabi ni Lorie.
Ibinigay ko kay Bu**sh*t yung pera at sabay takbo palabas ng classroom.
Uwian, kanina... Akala ko wala ng problema, paglabas ko ng gate ng paaralan nakita kong nandun si Bul**h** sa may eskinita na dadaanan ko. Nagkunwari ako na hindi ko siya napansin habang dumadaan, pero mukhang sinundan niya ako sa likuran at isang malakas na suntok sa likuran ng leeg ko ang tumama sa akin, mabilis akong napasubasob sa lupa. Narinig ko na sinasabi niya, Gago ka!
Bakit mo ako sinumbong kay Maam na nagsusugal ako?!! (Wala naman akong sinumbong kay Maam) sabay sipa niya sa tagiliran ko, sinabi ko sa kaniya na hindi ko siya sinumbong pero ayaw niyang maniwala. “Hoy, ikaw lang nakakaalam na naglalaro ako ng cara cruz!” (ano??? Buong classroom ata alam na sugarol ang taong ito eh) hindi na ako nakapagsalita kasi bigla niyang sinuntok ang mukha ko at tumama sa bibig ko yung kamao niya at pati sa panga ko. Habang ginugulpi niya ako, wala man lang tumulong sa akin na ibang kamag aral, siguro natatakot na madamay.
Kaya, ngayon... hindi ko alam kung papasok pa ako sa iskul bukas diary... gusto kong sabihin ito kay nanay pero natatakot ako na baka balingan niya ako kapag nagsumbong ako at lalong uminit ang dugo nun sa akin. Naalala ko tuloy bigla yung utang ko sa kaklase ko na 100 pesos, di ko alam kung paano yun babayaran sa kaniya at yung pasa ko sa mukha, sabi ko kay nanay, nadapa ako kanina.
Ayaw ko ring makita ito ng mga kaklase ko kasi baka pagtawanan ako. Ikaw lang sa ngayon diary ang sumbungan ko.
Sana kung may makakabasa man nito, balang araw, wag nila akong pagtawanan at sana maintindihan nila ang sitwasyon ko. Alam kong hindi ako duwag, pero ayaw ko ng gulo na duwag at sana, balang araw... Mawala ang takot ko at malabanan ang bully na ito.
Salamat Diary,
Anonimous
=====================
Karugtong ng Diary na ito ay mababasa dito -- Click Here
Diary Ng Nabully
4/
5
Oleh
MomEnDoter
We love engagement but please... be responsible when leaving a comment. We have the right to remove if your comment wasn't appropriate and contains spam content.